Tumaas ang gross international reserves (GIR) level ng Pilipinas sa $99.7 billion sa pagtatapos ng buwan ng Enero, ayon sa datos na inilabas ng Bangko Sentral ng Pilipinas.
Sa pahayag ng naturang bangko, ang kabuuan para sa buwan ng Enero ay mas mataas kumpara sa $96.1 billion na antas na naitala noong December 2022.
Ang pinakahuling antas ng gross international reserves ay kumakatawan sa higit sa sapat na external liquidity buffer na katumbas ng 7.5 months’ worth ng pag-import ng mga kalakal at mga pagbabayad ng mga serbisyo at pangunahing kita.
Ito rin ay humigit-kumulang anim na beses sa panandaliang utang ng bansa batay sa orihinal na maturity at apat na beses batay sa natitirang maturity.
Giit ng mga economic managers, ang pagpapanatili ng isang mabigat na antas ng reserba ay maaaring makatulong sa bansa na mas mabilis na tumugon at pamahalaan ang mga external shocks para sa Bangko Sentral ng Pilipinas.