-- Advertisements --

CEBU CITY — Inaalam pa ngayon ng PNP ang naging motibo sa pagkamatay ng isang kilalang abugado matapos itong tambangan sa Brgy. Kasambagan, lungsod ng Cebu.

Batay sa paunang imbestigasyon ng mga pulis, papunta na sana ang 51-anyos na si Atty. Joey Luis Wee sa kanyang opisina sa 3rd floor ng Alchi Building.

Ayon kay Police Major Dindo Alaras, ang hepe ng Mabolo Police Station, na inaabangan umano ng di pa nakilalang riding-in-tandem ang nasabing biktima kaya nangyari ang nasabing krimen.

Dinala agad sa pagamutan si Atty. Wee dahil sa natamo nitong dalawang gunshot wounds sa katawan at binawian ito ng buhay kinalaunan.

Inilarawan naman ng anti-drug czar ng Cebu na si Atty. Clarence Paul Oaminal na isang mahusay na abugado si Wee kung saan pawang mga criminal cases at corporation-related cases ang hinahawakan nito.

Tiwala naman, aniya, si Oaminal na walang kinalaman sa ilegal na droga ang pagkamatay ni Wee sapagkat ayaw niya umano ang mga drug-related cases.

Una nang kinondena ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) Cebu Chapter ang brutal na pagkamatay ng nasabing abugado.