-- Advertisements --

Nais patutukan ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers sa mga awtoridad ang anggulo na smuggled ang hindi rehistradong COVID-19 vaccine na natanggap ng mga kawani ng Presidential Security Group (PSG).

Walang nakikitang masama si Barbers, chairman ng House committee on dangerous drugs, sa maagang pagpapabakuna ng mga PSG personnel gamit ang hindi rehistradong bakuna, sapagkat trabaho ng mga ito na tiyaking ligtas si Pangulong Rodrigo Duterte.

Pero ang mas nakakabahala aniya ay kung paanong nagawang makapuslit ng hindi rehistradong COVID-19 sa Bureau of Customs at kalaunan ay makapasok ng Pilipinas.

“Dumaan yan sa Bureau of Customs, so dapat imbestigahan kung saan, papaano, dumaan yan dito sa atin at nakapasok dito sa atin. Kung yan ay pumasok sa legal na channel, definitely alam ng FDA yan, alam ng DOH yan,” ani Barbers.

Kumbensido si Barbers na dahil smuggled ang unregistered na COVID-19 vaccine na nakapasok sa Pilipinas ay mayroong responsable o nasa likod nito.

Naniniwala si Barbers na pinagkakakitaan ang hindi rehistradong bakuna sa pamamagitan ng smuggling.

Nauna nang inamin ni PSG commander Brigadier General Jesus Durante III na libreng nakuha nila ang COVID-19 vaccine na kanilang ginamit, at nagbigay alam lamang kay Pangulong Duterte patungkol dito matapos na silang maturukan ng bakuna.