-- Advertisements --

Hindi napigilan ni Angel Locsin na bumwelta laban sa Department of Education o DepEd kaugnay sa panibagong kontrobersyal na module kung saan nadawit na ang kanyang pangalan.

Ito’y bagama’t nag-public apology na ang DepEd at ipinaliwanag na ang naturang module kung saan inilarawan si Locsin bilang obese o yaong sobrang taba, ay isang “teacher-made assessment” at hindi raw gawa ng kanilang Central Office.

Para sa 35-year-old actress, balewala ang cheap na pang-iinsulto sa kanya at katunayan ay wala sanang balak pumatol pero bigla itong naalarma sa statement ng DepEd na tila hindi apektado sa simpleng maling grammar sa module.

Ayon kay Angel, hindi tama na matuto ng diskriminasyon at pagkutya sa kapwa ang mga kabataan kaya dapat ay maitama ito.

Tiniyak naman ni Roger F. Capa, ng DepEd Division sa Occidental Mindoro, na nakausap na nila ang guro hinggil sa ganoong uri ng bullying.

Ang paglait sa wife to be ng TV producer na si Neil Arce ay sa kasagsagan ng dapat sanang pag-iisang dibdib nila noong November 8, pero ipinagpaliban dahil sa pandemya.

Una nang pinagpiyestahan ang ahensya nang kumalat ang batch ng learning modules na may malisos-yong pangalan gaya ng Pining Garcia, Malou Wang, Abdul Salsalani, at Tina Moran.

Kung maaalala, maging ang Broadway star na si Lea Salonga ay naalarma rin sa isyu ng ilang learning materials ng DepEd.

Isa rito ay ang larawan ng owl o kuwago, na mayroong label bilang ostrich.

Nanlaki rin daw ang kanyang mata sa statement na halimbawa ng letrang L ay rabbit, gayundin ang color matching pero hindi naman colored ang pagkaka-print sa mga nakaguhit na krayola.

Para sa 49-year-old Tony Award-winning actress/singer, nakakatakot na baka maging never ending o wala nang katapusan ang kontrobersya.