BUTUAN CITY – Hindi inasahan ng isang mag-aaral na taga-Barangay Don Francisco, Butuan City, na ito ay mangunguna sa October 2019 Geodetic Engineer board examination.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan kay Charlene Gallentes Bolastig ng Caraga State University (CSU) ng Lungsod ng Butuan na nakakuha sa rating na 91.20%, inihayag nito na nabigla siya nang malaman ang resulta.
Ayon kay Charlene, ipinagdarasal lamang niya sa Panginoon na makapasa upang magkaroon ng lisensya kung kaya bonus na ang pangunguna niya mula sa kabuuang 877 na kumuha ng pagsusulit at 481 silang mga pumasa.
Ngunit inihayag nito na kumpiyansa siya sa nasabing pagsusulit dahil apat na buwan pa siyang nag-review sa Maynila.
Sa ngayo’y plano niyang magturo at umaasa na mabibigyan ng pagkakataon sa unibersidad kung saan siya nagtapos.
Napag-alamang kasama niyang pasok sa Top 10 ang tatlong iba pang galing sa CSU na sina Nick Ann Wilson Rosero Dapo na may rating na 87.60%, pang-lima sa ranking; No. 6 si Richard Sagaldia Pepito na nakakuha ng 87.00%; at No. 8 naman si Mark Dave Buico Plaza na may 86.40% rating.
Si Charlene Gallentes Bolastig na nagtapos bilang Cum Laude, ang pang-apat sa anim na magkakapatid kung saan ang kanilang ama ay magsasaka habang plain housewife ang kanilang ina.