-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Naaresto ng pulisya ang anak na babae ng dating alkalde at dalawa pa nilang kasamahan sa Kingsfield Inn, Tejero St., Brgy. Kauswagan, Cagayan de Oro City.

Kinilala ni Cogon Police Station 2 commander, PCpt. Ernesto Sanchez ang prime target na si Nicole Angela Ancheta, 24, at residente ng Barangay Carmen.

Kasama rin sa mga nadakip sina Nico Ferrer, 23, taga-Brgy. Patrocenio, Claveria, Misamis Oriental; at Elmar Pates, 23, tubong Barangay Bayabas.

Nakumpiska mula sa mga suspek ang nasa higit P2,000 halaga ng suspected shabu matapos naisagawa ang anti-illegal drug buy bust operation nitong Huwebes ng gabi.

Samantala, itinanggi naman ni Ancheta na nagtutulak sila ng droga at iginiit na minsan lamang daw ito bumabatak.

Inamin rin ni Nicole na umano’y anak ito ng yumaong si dating Valencia City Mayor Berthobal Ancheta na naninilbihan sa Bukidnon simula taong 1988 hanggang 2000.

Una nang iginiit ng suspek na nagsimula umano itong gugamit ng iligal na droga matapos nakapag-boyfriend ng isang suspected shabu user noong nag-aaral pa sa kolehiyo.