Binalot ng makapal na usok mula sa daan-daang wildfire sa Canada ang malawak na bahagi ng Estados Unidos nitong Huwebes, dahilan upang magbabala ang mga awtoridad sa publiko na manatili sa loob ng bahay hangga’t maaari.
Napag-alaman na naitala sa Detroit ang pinakamalalang air quality sa buong mundo noong Huwebes, na may Air Quality Index (AQI) na 600—doble ‘yan sa antas na itinuturing na “hazardous” ng U.S. Environmental Protection Agency (EPA).
Batay sa datos ng Amerika, umabot sa mapanganib na antas ang usok sa mga state ng Minnesota, Michigan, Illinois, Ohio, at maging sa Ontario sa Canada.
Nakapagtala rin ng hazardous air quality ang mga lungsod ng Minneapolis, Milwaukee, at Toronto, habang may hindi bababa sa 10 states ang nakaranas ng “unhealthy” na kalidad ng hangin.
Inaasahan pang lalala ang kondisyon sa buong araw.
Sa New York, iniulat rin na binalot ng orange na kaulapan ang kalangitan at kapansin-pansin din ang mabahong amoy ng usok na dala ng hangin.
Hinimok ng mga lokal na opisyal ang mga residente na limitahan ang pananatili sa labas ng bahay.
Pinayuhan ding manatili sa loob ang mga may sakit sa puso at baga, mga buntis, matatanda, at iba pang tao na kabilang sa high-risk groups.
Samantala, iniulat ng pamahalaan ng Canada na may 858 aktibong wildfire pa ang umiiral sa bansa kung saan 111 sa mga ito ay nananatiling hindi makontrol. Pinakamatinding naapektuhan ang mga lalawigan ng Manitoba, Saskatchewan, at Ontario.










