-- Advertisements --

Binisita ni Philippine Ambassador Aileen Mendiola ang 18 Pilipino na unang inilikas mula sa kanilang pinagtatrabahuhang hotel sa Israel na tinamaan ng missile na pinakawalan ng Iran.

Ayon sa embahada, nananatiling maayos ang kalagayan ng mga ito dahil maagap ang kanilang pagtungo sa bomb shelter bago pa tumama ang missile.

Ayon pa sa embahada, nakatakdang sumailalim ang mga ito sa psychosocial counselling upang matulungan sa trauma na nararamdaman dahil sa pinagdadaanang sitwasyon.

Namahagi rin ang embahada ng mga relief package, hygiene supplies, baby milk, at iba pang care products. Binigyan din ng health at care products ang bagong-panganak na sanggol ng isa sa mga inilikas na Pinay.

Maliban sa kanila, binisita rin ni Ambassador Mendiola ang Pinay caregiver na nasa kritikal ang kondisyon. Ang naturang Pinay ay kasalukuyang ginagamot sa ISU ng Shamir Medical Center, isa sa mga pangunahing ospital sa Israel.