KORONADAL CITY – Nakatakdang sampahan ng kaso ang isang lalaki matapos nitong patayin sa taga ang sariling ama sa Prk. Sto. Niño, Barangay BS Aquino, Norala, South Cotabato.
Ayon kay Police Maj. Nathaniel Panaguiton, hepe ng Norala-Philippine National Police (PNP), kinilala ang suspek na si Angelo Futolan, 30-anyos, habang ang biktima ay si Isagani Futolan, 56, kapwa residente ng nabanggit na lugar.
Sa imbestigasyon ng Norala-PNP, lumalabas na nagkaroon ng mainit na pagtatalo ang mag-ama na nagresulta sa pananaga ng anak.
Nakaganti pa ang biktima sa kaniyang anak gamit ang kaniyang 12 gauge shot gun kung saan nabaril nito sa tiyan, ngunit ‘di na rin kinaya ng ama dahil sa maraming tama ng taga sa kaniyang katawan.
Naisugod naman sa bahay-pagamutan ang suspek ngunit dead on arrival ang biktima.
Sinasabing may problema sa pag-iisip ang suspek kaya nagawa nitong patayin ang sariling ama.
Narekober sa crime scene ang isa basyo ng bala mula sa biktima at Bolo na ginamit ng suspek sa pagpatay sa kaniyang ama.