-- Advertisements --
Quarantine COVID center
IMAGE | Quarantine facility in Rizal Memorial Coliseum/National Task Force

MANILA – Muling pinayagan ng pamahalaan ang “home quarantine” ng mga mild at asymptomatic na pasyente ng COVID-19. Kasabay kasi ng pagtaas sa bilang ng mga kaso ng sakit, ay ang pagsipa rin sa bilang ng mga na-admit sa mga pagamutan at quarantine facilities.

“Ang ipa-prioritize natin sa mga ospital ngayon ay yung mga kailangan i-closely monitor at nangangailangan ng hospital care kagaya ng mga moderate and more less severe and critical,” paliwanag ni Dr. Rontgene Solante.

“Yung bed na supposedly ia-allocate sa mild, dito na sa mga severe at critical. Yung mga mild dapat sa bahay na lang but again with close guidelines and monitoring sa doctors.”

Ayon sa eksperto, importanteng makipag-ugnayan agad sa Barangay Health Emergency Response Teams (BHERTs) ang pamilya o indibidwal na naka-home quarantine. Ang mga BHERTs daw kasi ang may responsibilidad sa pagtitiyak na maaayos ang kalagayan ng confirmed case na sa bahay nagpapagaling.

Pinayuhan din ni Dr. Solante ang isang naka-home quarantine na confirmed case na magpa-konsulta sa mga telemedicine o teleconsultation hotlines.

“Sa mga may edad o may comorbidity, they will start with mild (symptoms), but on the 5th to 7th day some of them will go to moderate or severe.”

“When you have this interval na hindi ma-monitor baka sa bahay malagutan ng hininga o kapag dinala sa ospital ay late na.”

Bukod sa pagtitiyak na naka-isolate o nakahiwalay mula sa mga kasama sa bahay ang isang confirmed case, dapat daw nitong bantayan ang kanyang paghinga. I-monitor din ang temperatura at antas ng katawan kung nakakaramdam ng labis na pagkapagod.

Makakatulong din umano sa paggaling ang pagkain ng masustansyang pagkain at palagiang pag-inom ng tubig.

“Kung may pang-monitor ng oxygen para makita yung content ng oxygen sa katawan para if bababa na then you really have to call the barangay para mayroong arrangement kung kailangan maglagay ng oxygen sa bahay o kailangan dahil sa ospital.”

Pinaaalalahanan naman ang mga kasama sa bahay na sundin ang minimum health standards tulad ng paghuhugas ng kamay, pagsusuot ng face mask at face shield.

Gayundin ang pakikipag-coordinate sa BHERTs para maisailalim agad sa COVID-19 test ang pamilyang nagkaroon na ng close contact sa confirmed case na naka-home quarantine.

Batay sa huling datos ng DOH, aabot na sa 876,225 ang kabuuang bilang ng COVID-19 cases sa Pilipinas. Ang 157,451 sa mga ito ay active o nagpapagaling pa.