BOMBO DAGUPAN – Itinuturing na self-vehicular traffic incident ang sinapit ng 34 anyos na lalaki sa bahagi ng Sitio Sabang Brgy. Boboy, sa bayan ng Agno, Pangasinan.
Ayon kay Police Corporal Rushlie Gabriel, ang Duty Investigator ng Agno Police Station, sakay ng kaniyang motorsiklo ang biktimang si Sgt. Michael Navida Nebra, aktibong miyembro ng Philippine Marines na kasalukuyang nakatalaga sa Headquarters Marine Base, Ternate, Cavite, at residente sa parehong barangay na pinangyarihan ng insidente.
Wala umano itong suot na helmet habang binabaybay ang kahabaan ng barangay road mula hilaga patungong timog na direksyon nang mawalan ng ito ng kontrol sa manibela at bumangga sa konkretong bahagi ng kalsada.
Nagtamo ito ng sugat sa ulo at ibat ibang bahagi pa ng kanyang katawan dahil sa pagkakabagsak ng katawan nito sa semento na sanhi ng kaniyang pagkamatay.
Sinubukan pa umano itong dalhin sa pagamutan ngunit idineklara nang dead on arrival.
Samantala, kasakuluyang nasa kustodiya naman ng naturang opisina ang motorsiklong sinakyan ng biktima para sa kaukulang disposisyon.