-- Advertisements --

Sinisi ni Akbayan Partylist Representative Perci Cendaña ang Senado matapos mabigo at mamatay ang P200 legislated wage hike sa 19th Congress.

Sinabi ni Cendaña ang kawalan ng aksyon ng Senado sa kabila ng sapat na panahon at pagkakataon para i-adopt ang bersyon ng Kamara para mapabilis ang pagpasa sa panukala.

Ayon sa kongresista, kung seryoso aniya ang Senado sa pagtataas ng sahod ng mga manggagawa, dapat ay agad nilang in-adopt ang House version na 200 pesos na umento lalo’t kaunting hakbang na lang sana ay maisusumite na sa Malacañang para mapirmahan.

Bukod dito, binatikos ng kongresista ang LEDAC na pinamumunuan ni Pangulong Bongbong Marcos dahil umano sa kabiguan na sertipikahan bilang urgent ang panukalang batas.

Tiniyak naman ni Cendaña na muli nilang ihahain ang legislated wage hike bill sa 20th Congress dahil kailangan na ito ngayon sa harap ng walang tigil na pagtaas ng presyo ng bilihin at serbisyo.

Kasabay nito, kinuwestyon ni Cendaña ang economic priorities ng administrasyong Marcos at ang pananahimik sa isyu sa mga manggagawa.

Sa halip na suportahan ang 200 pesos na wage hike ay mas isinulong umano ng Senado ang 100 pesos na lubhang kulang.