Maglulunsad ang Department of Agriculture (DA) ng Optimization and Resiliency in the Onion Industry Network (ORION) program upang matulungan ang industriya ng sibuyas sa bansa na malinang ang kanilang produksiyon na magreresulta sa mas maraming suplay ng produktong pang-agrikultura sa bansa.
Ayon sa DA ang programa ay nabuo sa isinagawang pagpupulong kasama ang stakeholders gaya ng onion growers, traders at importers matapos na talakayin ang produksiyon ng sibuyas sa bansa na hindi naaabot ang 260,000 metrikong tonelada na taunang demand.
Layunin din ng nasabing programa na magroon ng isang de-kalidad, ligtas, abot-kaya at patuloy na suplay ng sibuyas para matugunan tumataas na domestic demand.
Ilan sa mga stratehiya at programa na ipapatupad ay ang pagbibigay ng madaling access sa credit loans para sa pagbili ng mga equipment at pagtatayo ng mga establishimento.
Bubuo din ng farmer cluster at asosasyon para makatulong sa produksiyon at market integration ng produktong sibuyas.
Inirekomenda naman ang Local Price Coordinationg Council sa ilalim ng Department of Interior and Local Government (DILG) na umalalay para sa mas efficient na monitoring ng mga presyo ng sibuyas sa merkado.
Base sa data mula sa Da, mayroong kabuuang 283,172 MT pula at dilaw na sibuyas at bawang ang naani noong 2022.
Nasa 35% naman ang hindi napakinabangan na matapos ang anihan dahil sa kakulangan ng pasilidad gaya ng cold storage at hindi maayos na pangangasiwa kung saan noong 2022 lamang nakapagtala ang DA ng 100,000 MT losses.