TALIBON, BOHOL – Malapit nang maitayo ang isang agricultural trading facility na nagkakahalaga ng P 14.0-million sa Barangay San Jose, Talibon, Bohol kung saan direktang makikinabang dito ang mga magsasaka at mangingisda pati na ang mga lokalidad.
Pinondohan ang pasilidad ng Department of Agriculture at LGU-Talibon, kung saan P4 million bilang LGU-equity, habang ang P 10 million bilang project grant mula sa karagdagang funding allocation ng Department of Agriculture-Central Visayas (DA7).
Inihayag ni Talibon Mayor Jannette Garcia na malaki pa umano ang maitutulong ng trading facility sa marketing ng agri-fishery products ng mga magsasaka at mangingisda.
Sinabi naman ni Petronila Corpuz, DA-7 Agribusiness and Marketing Assistance Division chief (AMAD) na susuportahan ng pasilidad ang mga magsasaka at mangingisda sa pagbebenta ng kanilang ani.
Dagdag pa, magbibigay din umano ito sa kanila ng mas magandang kita dahil direkta silang magbebenta sa mga mamimili.
Makikinabang sa pasilidad ang 9,000 rehistradong RSBSA (Registry System for Basic Sector in Agriculture) na mga magsasaka mula sa mga matataas na lugar at mangingisda mula sa baybayin at isla, kabilang ang 210 farmers cooperative and associations (FCA) ng Talibon at mga kalapit na munisipalidad.