Ibinahagi ng tatlong Israeli health experts na kasalukuyang nasa Pilipinas ang mga istratehiya na ipinatupad sa kanilang bansa para mapagtagumpayan ang laban kontra sa COVID-19 (Coronavirus Disease 2019).
Ito ay sa pamamagitan ng tinatawag na aggressive testing, systematic data gathering at efficient vaccine rollout.
Sa isinagawang consultation meeting kahapon sa Camp Aguinaldo, inihayag ni Ben Zaken, ang deputy director general ng Ichilov Medical Center, na kada linggo ay sumasailalim sa RT-PCR (reverse transcription polymerase chain reaction) test ang mga tao sa kanilang bansa.
Kabilang dito ang mga pulis at traffic enforcers kaya malaya pa rin na maglakad sa kalye ang mga tao at makipagkamay.
Aniya, libre ang RT-PCR test sa kanilang bansa na ibinigay ng pamahalaan.
Dumalo rin sa pulong sina Defense Sec. Delfin Lorenzana, National Task Force (NTF) COVID chairperson at NTF COVID Deputy Chief Implementer Vince Dizon.
Samantala, ang mga taong nabakunahan na mula sa ibang bansa ay kailangan lamang iprisinta ang kanilang certificates o mga dokumento bilang patunay at maaari na sila dumiretso sa kanilang destinasyon. Pero kung wala, isasailalim pa ang mga ito sa quarantine at sila ay babakunahan.
Binigyang-diin naman ni Dafna Segol, consultant of Healthcare Policy and Innovation, na ang istriktong pagsunod sa quarantine measures at border protocols ay malaking tulong sa pagbaba ng COVID cases.
Ayon kay Segol, ang sinumang papasok sa Israel ay kailangan sumailalim sa RT-PCR test, babakunahan at sumailalim sa 14 days quarantine.
Giit ng tatlong Israeli health expert, tatlo ang haligi ng kanilang vaccination program.
Una, dapat “flexible” ang programa para epektibo itong rumesponde sa tinatawag na “emerging realities.”
Pangalawa, ang kanilang mga medical personnel ay mina-maximize ang doses sa bawat “vial” para maiwasan na masayang, bagkus ay maging mabilis at epektibo ang pag-administer sa mga vaccine.
Pangatlo, “information campaign” ng gobyerno na malinaw sa publiko ang vaccination program para mahikayat ang mga ito na magpabakuna, mayroon silang data efficient gathering at proper storage ng mga bakuna sa isang central location.
Dagdag pa ng tatlong health experts, mahalaga ang team work sa mga stakeholder para maging matagumpay ang vaccination program.
Nitong nakalipas na Abril, tinanggal na ng Israel ang “mask wearing policy” dahil mababa na ang naitalang COVID kung saan nasa 15 kaso na lamang sa isang araw.
Ipinagmamalaki rin ng Israel na sila ang kauna-unahang bansa na nakapagbakuna ng 30,000 overseas Filipino workers, kabilang ang ilang Pinoy students at diplomats na libre gamit ang Pfizer vaccine.