BOMBO DAGUPAN – Kakulangan sa pangangamusta.
Ito ay sapat na umanong rason upang ipa-black list ang recruitment agency na kinabibilangan ng namayapang Overseas Filipino Worker (OFW) sa Kuwait na si Jullebee Ranara.
Ang bagay na ito ang siniguro ni Attorney Francis Abril at bukod pa rito, hindi na rin makakapag-transact ang counterpart ng agency na ito sa Kuwait dahil kung napabayaan nila ang naturang biktima, paano pa aniya nila makukuha ang tiwala ng iba pa.
Aniya mayroon paring nagpapatuloy na obligasyon ang isang recuitment agency sa mga hawak nilang OFW na panatilihin pa rin ang seguridad ng mga ito.
Responsibilidad pa rin ng mga itong kumustahin ang mga OFW kahit na naipadala na nila ang mga ito sa ibayong dagat, ito ang tinukoy ni Atty. Abril na ‘missing’ sa kaso ni Jullebee.
Dagdag pa nito na mayroon na umanong naikukwento ang biktima sa kaniyang mga kamag-anak sa Pilipinas na pinagbabantaan na siya at sinasaktan na siya ng kaniyang mga amo sa bansang Kuwait.
Ikinalulungkot niya na umabot pa sa kasong panggagahasa ang biktima at natagpuan pa itong wala ng buhay at sinunog sa isang disyerto.
Ayon pa kay Atty. Abril, dahil menor de edad pa ang suspek sa likod ng kaso ni Jullebee, tulad sa Pilipinas ay magkakaroon ng espesyal na proseso ukol sa pagpapataw ng parusa rito.
Panawagan nito sa gobyerno na ireview ang listahan ng mga agencies na nakiki-transact sa mga OFWs dahil kung hindi nila pagtutuunan ng pansin ang pag-aasikaso sa mga OFWs ay baka hindi lang isa ang maging casualty.
Payo na lamang nito sa iba pang OFWs na kung magkaroon man ng problema sa kanilang employer, idulog lamang nila ito sa Department of Migrant Workers at bago pa man ang itong magtiwala sa mga recruitment agencies ay kilalanin muna nila ng maigi ang mga ito.