-- Advertisements --

Ipinakita ng mga sundalo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at ng United States Marine Corps ang kanilang kakayahan sa aktwal na emergency response matapos iligtas ang anim na sibilyan na naaksidente sa gitna ng Balikatan Exercises 2026.

Nabatid na bumangga at nahulog sa bangin ang isang truck na may kargang semento, na nagresulta sa pagkakasugat ng mga sibilyan. Agad na rumesponde ang mga sundalo, kung saan apat ang agad na nailigtas at dinala sa ospital.

Dalawa naman sa mga biktima na malubhang nasugatan at na-trap sa loob ng sasakyan na nailikas gamit ang isang US HH-60 Black Hawk helicopter patungo sa malaking ospital para sa mas masusing gamutan.

Kasama rin sa operasyon ang mga tauhan ng AFP mula sa 17th Infantry Battalion at ang Philippine National Police para sa imbestigasyon at koordinasyon ng rescue effort. Walang naitalang nasaktan sa hanay ng militar.

Sinabi ng mga awtoridad na ang mabilis na koordinasyon ng Philippine at US forces, kasama ang 17th Infantry Battalion sa ilalim ng Joint Task Force “Tala” at Philippine National Police, ay patunay ng kanilang interoperability at kahandaan hindi lamang sa drills kundi sa aktwal na emergency situations.

Samantala, umabot sa mahigit 17,000 ang kalahok mula sa iba’t ibang bansa sa Balikatan 2026, na nagsimula noong Abril 20 at magtatapos sa Mayo 8.