-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Ninanais ngayon ng Mindanao State University main campus na mananatili na sa kanilang bakuran ang presensiya nga tig-isang special team na ipinadala ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police.

Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni MSU-Marawi main campus spokesperson Atty. Shidik Abantas na layunin nito na masiguro na hindi makalusot pa ang mga terorista upang maghasik ng kaguluhan sa unibersidad.

Sinabi ni Abantas na nasa final stage na ang usapan sa pagitan ng kanilang mga opisyal at ng state forces ng bansa.

Subalit titiyakin rin nila na maipatupad ang pinaka-angkop na paraan na hindi mahahati ang atensyon ng mga estudyante dahil lang sa presensiya ng mga sundalo’t pulis sa bisinidad ng MSU.

Magugunitang nagulantang ang buong MSU community nang matuklasan na dati nila na estudyante na si Kadhafi Mimbesa alyas Engineer ang isa sa mga namataan na kabilang sa nagpasabog ng improvised explosive device gamit ang bala na 60 mm na kumitil ng apat katao at sumugat ng 50 sa Mohamamd Dimaporo Gymnasium noong Linggo ng umaga.