KORONADAL CITY – Nadagdagan pa ang mga nasawi sa nagpapatuloy na girian ng dalawang grupo ng Moro Islamic Liberation Fron (MILF) sa Sitio Galiyanan, Barangay Macabuat sa bayan ng Pikit, North Cotabato.
Ito ang kinumpirma ni Police Major Maxim Peralta, hepe ng Pikit PNP sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Major Peralta, grupo nina Kumander Bugdad Matalam Akas at Ustadz Walid Mamasamlang na mga miyembro ng MILF ang nagka-engkwentro kung saan sa 5 nasawi , 4 sa mga ito ang mula sa magkabilang panig habang isa naman ang nadamay na sibilyan na kinilalang si Lito Quinones na residente din ng nabanggit na lugar.
Maliban dito may dalawa pang nasugatan kabilang ang isang babaeng sibilyan matapos tamaan ng ligaw na bala mula sa palitan ng putok ng dalawang panig.
Dahil sa engkwentro, daan-daang mga residente ang nagsilikas sa takot na madamay sa kaguluhan na nananatili ngayon sa evacuation center at sa kani-kanilang mga kamag-anak sa karatig barangay.
Dagdag pa ni Major Peralta, rido o family feud ang pinag-ugatan ng gulo matapos na patayin si Brgy Macabual Brgy Chairman Jalandoni Matalam Akas noong nakalipas na buwan at gumanti ang kanyang mga kamag-anak,
Sa ngayon pinangunahan na ni Pikit Mayor Sumulong Sultan ang pagsasa ayos sa kasalukuyang gulo ng dalawang grupo kasama ang pamunuan ng MILF.
Naglagay na rin ng mga check point palabas at papasok sa lugar upang maiwasan ang spill over ng kaguluhan.
Kaugany nito nanawagan naman ng kooperasyon ang pulisya at militar sa lahat ng mga apektadong residente na manatili sa mas ligtas na lugar upang hindi madamay.
Sa ngayon, humupa na rin ang palitan ng putok habang nagpapatuloy ang negosasyon sa magkabilang panig.