CENTRAL MINDANAO- Nakatutok ngayon ang lokal na pamahalaan ng Libungan Cotabato sa programang balik probinsya ng pamahalaan.
Ayon kay Libungan Mayor Christopher “Amping”Cuan na may mga isolation facility na silang hinanda sa mga uuwi na galing ng Maynila, Davao City at ibang lugar na may nagpositibo sa Coronavirus Disease (Covid 19) pandemic.
Matatandaan na unang isinulong ni Sen. Bong Go na palakasin pa ng national government ang “balik probinsya” program, ngayong nahaharap ang bansa sa krisis na dulot ng COVID-19.
Ayon sa mambabatas, bahagi ng kanyang panukala ang pagtataguyod ng livelihood programs para sa mga pauuwiin sa mga lalawigan.
Sinabi pa ng senador na posibleng ang mga paghihigpit at pagbabago ng sistema sa kalakhang Maynila ay maging “new normal” na, kaya kakailanganin ang decongestion process.
Giit pa ni Sen. Go, mas masarap pa ring mamuhay sa probinsya dahil sa sariwang hangin at magagandang tanawin, bagay na hindi nararanasan ng mga naninirahan sa Metro Manila.
Dagdag ni Mayor Cuan na sa loob ng 14 day quarantine kung may nakitaan ng sintomas ay agad itong ililipat sa mga designated isolation facility ng probinsya at kukunan ng swab test.
Mahigpit na pinatutupad sa bayan ng Libungan ang paggamit ng facemask,social distancing at ibang mga alituntunin sa umiiral na public health emergency na dineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Tuloy-tuloy naman ang pamamahagi ng tulong ng lokal na pamahalaan ng Libungan Cotabato sa mga residente na grabeng naapektuhan dulot ng Covid 19 crisis sa bansa.
Sa ngayon ay nanatiling Covid 19 free ang bayan ng Libungan Cotabato kontra sa nakakahawang sakit.