-- Advertisements --
jay cuenca actor

Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na kanilang papanagutin ang aktor na si Jake Cuenca sa ginawa nitong pagbangga sa sasakyan ng mga pulis.

Siniguro naman ni PNP chief Gen. Guillermo Eleazar na magpapatupad sila ng pagtatama at pagdidisiplina sa kanilang mga tauhan at gayundin kaukulang hakbang para hindi na maulit ang ganitong insidente.

Humihingi naman ng paumanhin si Eleazar sa delivery rider na tinamaan ng ligaw na bala matapos paputukan ng mga pulis ang gulong ng sasakyan ni Cuenca.

Sinabi ni PNP chief, igagalang aniya nila ang anumang magiging pasya ng rider kung maghahain ito ng kaso laban sa mga pulis kaugnay ng insidente.

Dahil dito inatasan ni PNP chief si Eastern Police District (EPD) director B/Gen. Matthew Bacay na isailalim sa restrictive custody ang mga sangkot na pulis.

Una rito, papaalis na sana ang mga pulis matapos magsagawa ng operasyon ang Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Mandaluyong City Police sa Brgy. Barangka nang biglang bumangga ang sasakyan ni Cuenca sa police mobile.

Ngunit sa halip na bumaba ng sasakyan ay kumparipas pa ito papalayo dahilan para habulin siya ng mga pulis na umabot pa hanggang sa Shaw Boulevard sa Pasig at doon na pinaputukan ang gulong ng sasakyan ng aktor.

Kaya naman tiniyak ni Eleazar na mananagot si Cuenca sa kaniyang ginawang paglapastangan at pambabastos sa mga alagad ng batas.

Si Cuenca ay kinasuhan ng reckless imprudence resulting in damage to property and disobedience to persons in authority.

Ipinaliwanag naman ni B/Gen. Bacay ang paglaya ng aktor dahil lumagpas na ang reglamentary period na 12 hours at minor offense ang kaniyang kinakaharap, kaya ang ginawa ng PNP ay regular filing.