-- Advertisements --

Nanindigan si Tingog party-list Rep. Jude Acidre na walang nakitang pananagutan ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) kay dating House Speaker Martin Romualdez sa mga anomaliya sa flood control projects.

Ito ay bilang pagtutol sa mga akusasyon ni Navotas Rep. Toby Tiangco laban kay Romualdez.

Sa isang statement, sinabi ni Acidre na base sa referral ng ICI sa Ombudsman, walang anumang natuklasan o konklusyon ng pagkakasala laban sa dating lider ng Kamara.

Matatandaan, pormal nang inilipat ng ICI ang kaso sa Office of the Ombudsman para sa mas malalim na imbestigasyon, kasama ang affidavit at mga recording ni Romualdez.

Nagpahayag naman ng tiwala ang abogado ni Romualdez na magiging “independent, thorough, and objective” ang Ombudsman.

Bagama’t may mga ulat na nagrekomenda ang ICI at DPWH ng kasong plunder, binigyang-diin ng kampo ni Romualdez na walang direktang konklusyon ng guilt ang ICI laban sa kanya.

Ang imbestigasyon ay nag-ugat sa mga alegasyon ng “ghost” o hindi natapos na flood control projects ng gobyerno.