-- Advertisements --

Umapela sa Kamara ang pamunuan ng ABS-CBN na huwag ipagkait sa kanila ang hinihiling nilang prangkisa matapos na ipatigil ng National Telecommunications Commission (NTC) noong Mayo 5, 2020 ang kanilang operasyon.

Sa joint hearing ng House Committees on Legislative Franchises at Good Government and Public Accountability nitong hapon, binigyan diin ni ABS-CBN president at chief executive officer Carlo Katigbak na nakalagay sa alanganin ang hanapbuhay ng ng kanilang nasa 11,000 empleyado.

Ayon kay Katigbak, posibleng sa susunod na linggo ay maglabas na sila ng listahan ng mga matatanggal nilang empleyado.

Ginagawa naman aniya ng kanilang kompanya ang kanilang makakaya para maprotektahan ang kanilang mga empleyado pero hindi naman aniya habambuhay nila ito maibibigay.

Palaki nang palaki na rin kasi aniya ang kanilang lugi nang huminto ang kanilang pag-ere noong Mayo 5 makaraang maglabas ng cease and desist order ang NTC laban sa kanila.

Batid naman aniya nila na nasa kamay ng Kongreso ang kapalaran ng kanilang prangkisa pero umaasa silang maantig ang puso ng mga mambabatas ay ipagkaloob sa kanila ang hinihiling na prangkisa para makabalik ulit sa ere.