Personal na kinuha ni Atty. Rocky Balisong ang subpoena para sa kanyang kliyente na si Bureau of Corrections (BuCor) suspended Director General Gerald Bantag.
Sa pagtungo sa Department of Justice (DoJ) kaninang umaga, iginiit ni Atty. Balisong na wala silang natanggap na subpoena sa Caloocan City noong November 14.
Dalawang subpoena ang nilagdaan ng abogado kaugnay sa pagpatay kay Percy Lapid at sa umano’y middleman na si Jun Villamor.
Dahil ngayon pa lang tinanggap ng kampo ni Bantag ang subpoena, iginiit ng abogado na may 10 araw sila simula ngayon para maghain ng counter-affidavit.
Handa aniya si Bantag na humarap pero pag-aaralan muna nila kung dapat bang sumipot na ang dating opisyal sa preliminary investigation sa November 23 araw ng Miyerkules.