-- Advertisements --

DAVAO CITY – Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang mga otoridad para matukoy kung sino ang nasa likod ng pagbaril sa mag-asawa pasado alas-5:00 ng hapon malapit mismo sa kanilang bahay.

attorney killing Davao

Nakilala ang mga biktima na sina Atty. Sitti Gilda Mahinay-Sappie at asawa nitong si Timmie, kapwa residente ng Solariega Subdivision Talomo nitong lungsod.

Sinasabing nasa labas lamang ng kanilang bahay ang mag-asawa nang biglang pinagbabaril ng hindi pa nakikilalang mga suspek at tinamaan ng bala.

Isinugod pa ang mga biktima sa ospital ngunit binawian din ng buhay kinalaunan.

Nabatid na may programa ang mga ito sa isang FM station ng lungsod kung saan madalas nilang pinag-uusapan ang kasalukuyang pangyayari sa bansa at iba pang mabibigat na isyu.

Inaalam na rin mga pulis ang posibleng motibo sa krimen.

Napag-alaman na mahigpit ang seguridad sa subdivision ng mga biktima kung saan may mga security guard na nakabantay na kabilang din sa iimbestigahan.