-- Advertisements --

Tinatayang nasa isa hanggang dalawang tropical cyclone ang maaaring mabuo o pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ngayong Mayo.

Ayon kay weather forecaster Leanne Loreto, karaniwang ang mga bagyo sa Mayo ay nagre-recurve o lumilihis ng direksyon kaya hindi direktang tumatama sa bansa.

May ilan ding dumaraan sa Central Philippines bago lumabas ng PAR. Kung sakali, ang susunod na pangalan ng mga bagyo ngayong taon ay Caloy at Domeng.

Nagbabala rin ang state weather bureau na magpapatuloy hanggang unang kalahati ng Mayo ang mainit at tuyong panahon.

Posibleng umabot sa 40.8°C ang init sa Northern Luzon, 40°C sa Central Luzon, at 38.1°C sa Metro Manila.

Posible ring makaranas ng 20 hanggang 40 porsyentong kakulangan sa ulan ang Metro Manila at ilang bahagi ng Northern at Central Luzon, habang mas mataas naman sa normal ang ulan sa ilang bahagi ng Visayas at Mindanao.

Naglabas na rin ng El Niño alert ang ahensya dahil may halos 80 porsyentong tsansang mabuo ito mula Hunyo hanggang Agosto, at maaari pang magsimula nang mas maaga mula Mayo hanggang Hulyo.

Ayon sa weather bureau, maaaring mas kaunti ang bilang ng bagyo ngunit posibleng mas malalakas ang mga ito, habang inaasahang tatagal ang El Niño hanggang unang bahagi ng 2027.