-- Advertisements --
SENATOR KOKO PIMENTEL III

Iniurong ng Senado ang pag-apruba sa panukalang pondo ng Philippine Statistics Authority (PSA) para sa 2024.

Ito ay matapos na isiwalat ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa sa plenary session ang impormasyon mula sa Department of Justice (DOJ) na may ilang mga Tsino na nakakuha ng lehitimong Philippine passport at birth certificates kahit hindi naman Filipino citizen ang mga ito.

Iginiit ni Minority Leader Koko Pimentel na mas mahalaga ang national concern kesa sa pondo ng pamahalaan para sa isang taon.

Ipinaliwanag din nito na iniatras nila ang pag-apruba sa nasabing pondo para malaman ang pinagmulan ng nasabing mga false documents.

Sinusugan din ni Majority Leader Joel Villanueva ang pahayag ni Sen. Pimentel na isang national concern ang naturang isyu na nagbunsod sa Senado para i-recall ang pondo ng PSA.

Magsusumite naman aniya ito ng pormal na hakbang para irekonsidera ang pagsusumite ng pondo ng PSA at ipag-utos sa Legislative Budget Research and Monitoring Office na mag-isyu ng kaukulang abiso at schedule para sa pagtalakay sa pondo ng PSA.

Sinabi naman ni Senate President Pro Tempore Loren Legarda na siyang sponsor ng pondo ng Department of Foreign Affairs (DFA) na iniimbestigahan na ng law enforcement agencies ang mga banyagang nagpanggap na persons with disabilities.

Nag-alangan naman si Senate President Juan Miguel Zubiri na irecall ang pondo ng PSA dahil maaari aniyang maging precedent ito sa ibang mga ahensiya subalit sinabi ni Sen. Pimente na ang ang kaso ng PSA ay isang exception kung saan nararapat na isailali ito sa malalimang interpelasyon sa pondo at performance nito sa nakalipas na mga taon.