
Tutulak si Trade Secretary Alfredo Pascual sa Brussels, Belgium sa katapusan ng Hunyo upang alamin ang status ng Pilipinas sa tinatawag na GSP+ o European Union’s (EU) Generalized Scheme of Preferences Plus gayundin ang negosasyon kaugnay sa Free Trade Agreement (FTA).
Ayon sa DTI chief mahalaga ng GSP+ na nagbibigay ng mga pribilehiyo sa taripa sa ilang mga produkto ng low-middle income country gaya ng Pilipinas.
Paliwanag ng kalihim na natatamasa ng Pilipinas ang naturang pribilehiyo dahil isa itong low-middle income country subalit kapag naging upper middle income country ang Pilipinas, hindi na aniya eligible ang bansa sa GSP+.
Sa ilalim kasi ng GSP+, natatamasa ng Pilipinas ang duty-free entry para sa 6,200 local products kabilang dito ang mga prutas, animals at vegetable fat, textiles at maging ang metals.
Nagbibigay din ang GSP+ ng EU sa developing countries ng special incentive para ipagpatuloy ang sustainable development at good governance.
Sa kabila nito, nakasaalang-alang ang mga perks na ito sa pagtalima ng Pilipinas sa 27 international conventions kung saan kabilang dito ang karapatang pantao.
Sa napipintong pagpaso ng GSP+ status ng Pilipinas sa Disyembre 2023, sinabi ng isang miyembro ng European Parliament na ang pagpapalaya kay dating Senator Leila De Lima ang magpapatunay ng kagustuhan umano ng bansa na mapanatili ang GSP+ privileges nito.
Nauna na ring sinabi ng European Parliament member na si Hannah Neumann noong Pebrero na ang muling pag-anib ng Pilipinas sa International Criminal Court (ICC) ay isang malakas na indikasyon para sa Pilipinas.
Bagama’t hindi binanggit ni Sec. Pascual ang mga kinakailangan para sa pagsunod sa mga international convention sa karapatang pantao, binanggit niya na isinusulong ng mga parliamentarian ng EU ang pagsisimula ng negosasyon para sa Free Trade Agreement sa pagitan ng Pilipinas at EU.










