
Nagpaalala ang Department of Education (DepEd) sa mga school head na maaaring mag suspinde ng face to face classes at sa halip ay magpatupad ng modular distance learning ngayong nakakaranas ang ilang parte ng bansa ng matinding init ng panahon at power outage.
Sa kopya ng memorandum na inisyu sa mga school head sa pampubliko at pribadong mga paaralan, pinaalalahanan ni DepEd spokesperson Michael Poa ang mga ito sa kanilang awtoridad at responsibilidad na magsuspinde ng klase at mag-switch muna sa alternative delivery modes (ADM).
Paliwanag ni Poa na magkakaiba ang sitwasyon sa bawat paaralan kayat ang school heads na ang bahalang tumukoy kung naaangkop ang pagsasagawa ng F2F classes dahil iniiwasan na hindi makaapekto sa kalusugan ng mga magaaral ang matinding init na panahon.
Una rito, base sa survey ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) ipinapakita nito na mayorya ng mga guro sa bansa ay iniulat na nahihirapan ang kanilang mga estudyante na makapagpokus sa kanilang pag-aaral dahil sa nararanasang mainit na panahon.
Habang noong nakalipas na Biyernes, ayon kay Governor Eduardo Gadiano, idineklara ang state of calamity sa lalawigan ng Occidental Mindoro dahil sa naranasang 20 oras kada araw na walang kuryente sa nakalipas na isa’t kalahating buwan.
Base sa DepEd Order (DO) 37, hindi awtomatikong makakansela ang klase kapag nagkaroon ng power interruptions o outage subalit mayroong discretion ang mga opisyal ng mga eskwelahan para magkansela ng klase kapag nagresulta ang power outages sa poor learning environment ng mga mag-aaral.










