
Sa gitna ng limitadong suplay ng tubig dulot ng dry season, nagpaalala ang health authorities sa publiko na takpan ng maayos ang kanilang water containers para maiwasan ang lalo pang pagdami ng mga pasyenteng dinadapuan ng dengue na isang sakit dala ng lamok na namumugad sa mga nakatiwangwang na tubig.
Ayon kay Department of Health Officer-in-charge Ma. Rosario Vergeire na ang kadalasang dahilan ng pagtaas ng kaso ng dengue ay ang kakulangan ng tubig dahil sa tuwing nagkukulang aniya ang suplay ng tubig, madalas na nag-iipon ang mga tao sa containers, timba at palanggana na naiiwang nakatiwangwang.
Paliwanag pa ng DOH official na ang lamok na may dalang sakit na dengue ay paboritong manganak sa stagnant water o naipong tubig na karaniwang matatagpuan sa water containers ng sambahayan.
Kayat dapat aniya na takpan ang mga container na pinag-iimbakan ng tubig upang mapigilang dumami ito.
Pinapayuhan din ang publiko na regular na maglinis sa kapaligiran upang maiwasan na maattract ang lamok na karaniwang namumugada sa marurumi, madilim at maliliit na lugar.
Sa datos ng DOH, nakapagtala ng 27, 670 dengue cases mula Enero 1 hanggang Marso 18 ng kasalukuyang taon.
Ito ay 94% na mas mataas kumpara sa naitala sa kaparehong period noong nakalipas na taon.










