
Inihayag ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin Abalos Jr. na malapit nang matapos ang proseso ng kaniyang naging panawagang courtesy resignation o pagbibitiw sa serbisyo ng lahat ng 3rd level officers ng Philippine National Police na bahagi pa rin ng layuning paglilinis nito sa buong hanay ng pulisya.
Ayon sa kalihim, anumang araw ay sisimulan na ng mga kinauukulan ang imbestigasyon sa mga heneral at full pledged colonel ng Pambansang Pulisya na naghain ng kanilang courtesy resignation.
Aniya, sa ngayon ay nasa next phase na sila ng paglilinis sa kapulisan kung saan isa-isang bubusisiin ng committee of 5 ang mga pangalan ng mga high ranking officials na nagsumite na ng kanilang pagbibitiw.
Habang ang mga police officials na tatanggapin ang courtesy resignation ay sasailalim pa sa pagsusuri ng National Police Commission.
Dagdag pa ni Abalos, bagama’t una muna nilang sinala ang mga 3rd level officials ng Philippine National Police ay tiyak naman aniya na tuloy-tuloy ang kanilang monitoring at investigation sa lahat ng miyembro ng Pambansang Pulisya para sa mas maigting na internal cleansing sa buong hanay nito, mayroon mang courtesy resignation o wala Bukod dito ay iniulat din ni Abalos na kasalukuyan pa ring binubuo ang mga magiging kinatawan ng 5-man committee na unang sasala sa mga police officials.
Kaugnay nito ay nakatakda aniya siyang makipagpulong kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa muling pagbabalik nito sa bansa para sa pagpili sa iba pang magiging miyembro ng nasabing komite bukod kay Baguio City Mayor Benjamin Magalong. Samantala, batay sa pinakahuling datos ng Department of the Interior and Local Government, umaabot na sa 942 na mga 3rd level officials ang nakapaghain na ng kanilang courtesy resignation.
802 sa mga ito ay pawang mga koronel, habang nasa 138 naman ang mga heneral, at isa ang mula sa Internal Affairs Service. sa ngayon ay tanging nasa 11 mga opisyal na lamang ng Philippine National Police ang hinihintay na makapagsumite na ng kanilang courtesy resignation 11 araw bago ang itinakdang deadline nito sa Enero 31, 2023.










