-- Advertisements --
image

Bumaba ng 43% ang kabuuang kaso ng covid-19 sa Pilipinas noong Nobiyembre.

Ito ay matapos na makapagtala ang kagawaran ng kabuuang 33,154 cases noong nakalipas na buwan mas mababa kumpara sa kabuuang bilang ng dinapuan ng viral disease noong Oktubre na 57,794 cases.

Ayon pa sa data ng DOH, ang daily average ng naitalang kaso para sa buwan ng Nobiyembre ay pumapalo sa 1,105 na significantly na mas mababa kumpara sa daily average ng naitalang kaso na 1,864 noong buwan ng Oktubre ng taong kasalukuyan.

Ito na ang ikalawang sunod na buwan kung saan ang arawang case tally ay mas mababa sa 2,000.

Ang naitalang kabuuang kaso din noong Nobiyembre ay pinakamababa sa loob ng limang buwan mula noong Hunyo na nakapagtala ng 13,883 cases.

Ang National Capital Region ang nakapagtala ng pinakamaraming dinapuan ng sakit sa nakalipas na dalawang linggo, sinundan ng Calabarzon, Western Visayas, Central Luzon at Central Visayas.

Iniulat naman ng DOH na nasa 976 bagong pasyente ang gumaling mula sa covid-19 dahilan para pumalo na sa 3,953,593 ang nakarekober sa sakit.

Samantala, nakapagtala naman ng 21 bagong nasawi kayat umakyat na sa 64,641 ang death tally sa covid-19 sa bansa.

Ayon pa sa DOH, ang bed occupancy rate sa bansa ay bahagyang tumaas sa 23.8%, kung saan nasa 6,758 kama ang okupado habang nasa 21,588 ang bakante