-- Advertisements --

Mariing itinanggi ni Senator Ronald “Bato” Dela Rosa na mayroong culture of impunity sa loob ng Philippine National Police (PNP) matpaos kumalat sa social media ang mga posts na nagpapakita ng pang-aabuso ng mga pulis.

Ayon kay Dela Rosa, na dating PNP chief, na ang terminong ito ay ginagamit lamang ng mga naninira sa pamahalaan para maghikayat ng galit laban sa administrasyon.

Kung totoo man aniyang mayroong impunity sa loob ng PNP, sinabi ni Dela Rosa na hindi na dapat umabot sa 93 percent ang approval rating ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Kamakailan lang ay naging usap-usapan sa social media ang kumalat na video ni Police Staff Sergeant Jonel Nuezca kung saan binaril-patay nito ang mag-ina na sina Sonya Gregorio at Frank Anthony sa Paniqui, Tarlac.

Ikinagalit ito ng mga kritiko, kung saan tinawag pa nila ang insidente bilang “terrorist police attack” kaya ang iba sa kanila ay nagsabi rin na resulta ito ng “culture of impunity” na ginawa ni Pangulong Duterte.