Nasamsam ng awtoridad ang tinatayang ₱24.35 milyong halaga ng hinihinalang ipinuslit na sigarilyo sa isang bodega sa Murcia, Negros Occidental nitong Biyernes, Nobyembre 27.
Sa isinagawang sanib-pwersang operasyon ng Regional Intelligence Division ng Negros Island Police katuwang ang iba pang ahensiya ng pamahalaan, nasabat ang mga nasabing kontrabando matapos itong makakuha ng impormasyon sa Manila Business Permit and Licensing Office hinggil sa umano’y nakatagong smuggled na sigarilyo sa isang warehouse sa Purok Ipil-Ipil, Brgy. Santa Rosa, Murcia, Negros Occidental.
Nang salakayin ang naturang bodega, tumambad sa awtoridad ang iba’t ibang brand ng sigarilyong nasa 429 master cases at isang sasakyan.
Wala rin umanong kaukulang permit mula sa pamahalaan gayundin ang mga kinakailangang graphic health warnings ang mga naturang produkto. Wala ring nadatnang indibidwal ang mga awtoridad sa loob ng warehouse nang salakayin ito.
Pag-eestima ng Bureau of Customs, aabot ng ₱57,300 halaga ang bawat master case ng sigarilyo kung saan pumapalo sa tinatayang ₱24,352,500 ang halaga ng mga nakumpiskang kontrabando.
Pansamantala nang nasa kustodiya ng Murcia Municipal Police Station ang mga narekober na ebidensya at nakatakda nang i-turnover sa mga kinauukulang ahensiya para sa eksaminasyon at dokumentasyon.
-- Advertisements --














