Mainit na sinalubong ng lalawigan ng Zamboanga Sibugay si House Speaker Faustino “Bojie” Dy III at ang delegasyon ng mga mambabatas nitong Sabado para sa programang LegisHear, na nagsilbing kauna-unahang pagbisita ng isang nakaupong Speaker ng Kamara mula nang maitatag ang probinsya 25 taon na ang nakararaan.
Pinangunahan nina Governor Dulce Ann K. Hofer, 1st District Rep. Marlo Bancoro, at 2nd District Rep. Marlesa “Doc Marley” Hofer-Hasim ang pagtanggap sa programa sa Provincial Capitol Grounds sa Ipil.
Pinasalamatan ni Hofer ang liderato ng Kamara sa pagdadala ng konsultasyon sa kanilang lalawigan na itinatag sa bisa ng batas na akda ng kanyang yumaong ama na si dating Gov. George Hofer upang matiyak na ang mga batas ay direktang tumutugon sa pangangailangan ng taumbayan.
Ayon naman kay Senior Deputy Speaker Ferdinand “Dinand” Hernandez, ang LegisHear: Bawat Batas Mahalaga ay proyekto ni Speaker Dy upang mas ilapit ang Kongreso sa puso ng mga ordinaryong Pilipino at tiyaking maririnig ang kanilang boses sa pagbalangkas ng mga batas.
Nanguna sa talakayan ang pagpapabuti ng serbisyong pangkalusugan at edukasyon, kabilang ang panukalang Malangas Medical Center (HB 8473), Zamboanga Sibugay Medical Center, Zamboanga Sibugay State College, MSU College of Medicine, at UP Zamboanga Peninsula.
Ang nasabing pagtitipon, na dinaluhan ng iba’t ibang mambabatas, lokal na opisyal, at mga ahensya ng gobyerno, ay bahagi ng dalawang-araw na aktibidad mula Nobyembre 28 hanggang 29 na may kasamang focus group discussions upang tukuyin ang mga kakulangan sa serbisyo publiko at mas mapabilis ang tulong ng pamahalaan.











