Muling ipinanawagan muli ni Sen. Kiko Pangilinan ang pagdedeklara ng state of national calamity sa buong bansa dahil sa lumalalang epekto ng El Niño phenomenon.
Ito ay upang tuluyan nang magamit ang calamity fund sa lahat ng mga nasa sektor ng agrikultura na maaapektuhan ng matinding tagtuyot.
Ayon sa senador, tinatayang 1.67 million lang sa 4.3 milyong magsasaka at mangingisdang posibleng maapektuhan ng El Niño ang makatatanggap ng tig-P3,000 na cash assistance mula sa ahensya, dahil sa kasalukuyang limitasyon sa pondo.
Dahil sa kakulangan ng pondo aniya, kinakailangan na ng DA na pag-ugnayin o pagsamahin ang iba pang programa ng pamahalaan para matulungan ang mga hindi masasaklaw ng P5 billion na inisiyal na pondo bilang ayuda sa mga biktima.
Giit ng senador, kulang na kulang ang pondo para sa lahat ng maaapektuhan kaya makakatulong ang calamity fund, lalo at tinatayang magtatagal pa hanggang sa unang bahagi ng 2027 ang weather phenomenon.
Hinimok naman ng senador si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ideklara na ang state of national calamity at agarang gamitin ang calamity fund dahil sa ngayon at maraming mga magsasaka at mangingisda na ang umaaray dahil sa kawalan ng tubig ulan sa mga taniman.
Ginawa ni Sen. Pangilinan ang apela kasunod ng kaniyang pagsilbi bilang sponsor ng budget ng DA sa umusad na deliberasyon ng Senado para sa 2027 National Budget.















