-- Advertisements --

Hindi pinagbigyan ng Sandiganbayan ang mosyon ng prosecution na bawiin ang piyansa ni dating Sen. Ramon ‘Bong’ Revilla.

Maalalang humirit ng motion for reconsideration ang prosekusyon para kuwestyunin ang pagpayag ng korte na makapagpiyansa ang dating senador.

Ngunit sa inilabas na resolusyon, sinabi ng korte na hindi matibay ang ebidensya na iniharap ng prosekusyon laban kay Revilla.

Ikinatwiran pa ng anti-graft court na hindi rin napatunayan ang papel ni Revilla sa umano’y sabwatan sa mga proyektong iniuugnay sa kaniya

Nahaharap ang dating senador sa kasong malversation through falsification of public documents, kaugnay ng umano’y ghost flood control project sa Pandi, Bulacan.

Sa kabilang banda, hindi naman pinagbigyan ng korte ang mga mosyon ng anim na kapwa akusado ng dating senador mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH) Bulacan na humiling na irekonsidera ang pagtanggi sa kanilang bail petitions.

Kinabibilangan ito nina Brice Hernandez, Arjay Domasig, Jaypee Mendoza, Juanito Mendoza, Emelita Juat, at Christina Mae Pineda.