Inaalam na ng PH authorities ang kalagayan ng halos 30 Pinoy na umano’y na-recruit upang sumabak sa giyera sa ibang bansa.
Ito ay kasunod ng paghingi ng mga ito ng tulong mula sa PH government matapos umano silang malinlang sa alok na trabaho bilang cleaner at construction worker sa Russia ngunit sa halip ay isinailalim sila sa pagsasanay bilang mga sundalo upang ipadadala sa giyera.
Ayon sa Department of Migrant Workers (DMW), nakikipag-ugnayan na ito sa Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of National Defense (DND) para ma-beripika ang kalagayan at kinaroroonan ng mga naturang Pinoy.
Nagkaroon na rin ng pagpulong sina DMW Sec. Hans Leo Cacdac, Undersecretary for Licensing and Anti-Trafficking-in-Persons Atty. Darlene Pajarito, at ni Senate Committee on Migrant Workers chairperson Raffy Tulfo para sa akmang aksyon na maaaring gawin ng PH authorities para sa mga na-recruit na Pinoy.
Sa naunang video na inilabas ng mga ito, nagpaabot sila ng panawagan sa gobyerno ng Pilipinas matapos silang mabiktima ng mga recruiter.
Inakala umano nilang magsisilbi silang mga cleaner at gagawa sila ng bunker ngunit isang buwan na silang sumasabak sa training bago sila ideploy sa giyera.
Umapela rin ang grupo ng tulong kay Pang. Ferdinand Marcos Jr. na tulungan sila habang naroon pa sila sa Russia, lalo na’t nahihirapan umano sila sa kanilang pinagdadaanang training.













