-- Advertisements --

Pinakamalaking dagdag-pondo ang inilaan ng Senate Committee on Finance sa Department of Transportation (DOTr) sa bersyon nito ng panukalang 2027 national budget, batay sa paghahambing sa panukalang badyet na inaprubahan ng Kamara.

Batay sa datos ng BetterGovPH, nasa P35.49 billion ang itinaas sa panukalang pondo ng DOTr sa Senate committee report kumpara sa House version.

Mula sa P259.1 billion na inilaan ng Kamara, umakyat sa P294.6 billion ang budget ng ahensiya sa bersyon ng Senado.

Gayunman, mas mababa pa rin ito sa orihinal na panukalang P299.5 billion na nakapaloob sa National Expenditure Program (NEP).

Kasunod ng DOTr ang Budgetary Support to Government Corporations na may dagdag na P28.25 billion, habang nasa P4.91 billion naman ang itinaas sa pondo ng Department of Education (DepEd).

Matatandaang una nang kinuwestiyon ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson ang P8.1-bilyong kaltas sa pondo ng dalawang proyekto ng DOTr. P5.1 billion para sa Davao Public Transport Modernization Program at P3 billion para sa New Cebu International Container Port.

Samantala, matapos ang deliberasyon sa plenaryo ng Senado sa P7.2 trilyon na budget para sa 2027, haharap naman ito sa bicameral conference committee o BICAM upang pagharapin ang magkaibang version ng Kamara at Senado.