Nagbabala ang mga food agency ng United Nations (UN) sa posibleng paglala ng kagutuman sa susunod na anim na buwan sa 16 na lugar, na karamihan ay nasa Africa, dahil sa patuloy na armadong tunggalian at matitinding kalamidad gaya ng El Niño.
Ayon sa pinagsamang ulat ng Food and Agriculture Organization (FAO) at World Food Program (WFP), kabilang ang Sudan, South Sudan, Somalia, northern Nigeria, at Yemen sa mga “hunger hot spots” na may pinakamataas na banta ng taggutom mula Disyembre hanggang Mayo 2027.
Nagbabala rin ang ulat na nananatiling “plausible” o posibleng mangyari ang matinding taggutom o famine sa ilang bahagi ng Sudan, kabilang ang North Darfur, at sa South Sudan.
Lalong pinalalala ang sitwasyon ng mahigit 15 porsyentong pagtaas ng political violence na nagresulta sa nakakaalarmang paglikas ng mga residente sa nakalipas na mga buwan.
Kasabay nito, bumagsak din nang halos dalawang-katlo ang humanitarian assistance sa limang bansang pinaka-nanganganib mula $5.1 bilyon patungong $2 bilyon noong 2022 hanggang 2025.
Iginiit ng mga ahensya na bagama’t napigilan ng mga nakaraang tulong ang taggutom, mabilis ding bumabalik ang panganib dahil sa kakulangan ng pondo at patuloy na krisis.














