Layunin umano ng Senado na maitama ang mga naging pagkukulang sa mga nakaraang pambansang budget, partikular sa paglalaan ng pondo sa mga proyektong pang-imprastraktura at may direktang pakinabang sa ekonomiya.
Ito ang iginiit ni Senate Finance Committee Chairman JV Ejercito kasunod ng mga puna ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson sa 2024 at 2025 national budget, na tinukoy nitong kabilang sa pinakamasamang budget na naipasa ng Kongreso.
Sa plenary deliberations para sa panukalang 2027 budget ng Department of Transportation, sinabi ni Ejercito na umaasa silang magagamit ang kasalukuyang budget process upang maitama ang mga naging pagkakamali sa nakaraan.
Ayon kay Ejercito, kapareho umano niya si Lacson ng paninindigan na mas bigyang-puwang sa pambansang pondo ang mga proyektong may ambag sa nation-building at may maibabalik na pakinabang sa ekonomiya.
Dagdag pa niya, susubukan nilang tiyaking mas mapupunta ang pondo sa mga ganitong proyekto sa halip na mapunta sa mga gastusing hindi direktang nakapagpapalago sa ekonomiya.
Samantala, sumasailaim pa sa Plenary deliberations ng Senado ang panukalang P7.2-trilyong pambansang budget para sa 2027 bago ito isailalim sa bicameral conference committee.














