Bumuo ng task force ang Department of Labor and Employment (DOLE) upang tutukan ang sigalot sa pagitan ng pamunuan ng airline company at ng unyon ng mga piloto matapos ang umano’y planong pagtanggal sa trabaho ng nasa 90 piloto.
Ayon kay DOLE Secretary Francis Tolentino, naghain ng notice of strike ang unyon nitong ngayong araw, Nobyembre 26 kasunod ng nasabing retrenchment.
Dahil dito, inatasan na ng kagawaran ang National Conciliation and Mediation Board (NCMB) na mapagharap ang dalawang panig upang agad na maresolba ang sigalot.
Sinabi ni Tolentino na personal niyang tututukan ang usapin upang maiwasan ang posibleng pagkaantala ng mga biyahe, lalo na ngayong papalapit ang kapaskuhan.
Partikular na posibleng maapektuhan ang mga pasaherong nakatakdang bumiyahe patungong Visayas, Mindanao at ibang bansa kung mauuwi sa welga ang hindi pagkakaunawaan.
Sa ngayon, pinag-aaralan pa ng DOLE ang mga dokumento kaugnay ng labor dispute habang patuloy na hinihikayat ang pamunuan at unyon na magkasundo.
Tiniyak ng kagawaran na patuloy nitong tututukan ang mga labor dispute upang mapangalagaan ang karapatan ng mga manggagawa at maiwasan ang mas malaking epekto sa publiko.












