Nakatakdang suriin ng Department of Transportation o DOTr ang bilang ng mga pampublikong sasakyan sa bansa upang matugunan ang kakulangan ng masasakyan ng mga commuter, lalo na sa nalalapit na Christmas rush.
Ayon kay Transportation Secretary Vince Dizon, makikipagpulong siya sa mga opisyal ng Land Transportation Office (LTO), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), gayundin sa mga transport operator, bus company, PUV cooperatives at motorcycle taxi operators.
Layunin ng pagpupulong na matukoy kung sapat ang bilang ng mga bus, jeepney, PUV at motorsiklo para tugunan ang pangangailangan ng mga pasahero.
Aminado si Dizon na posibleng may kakulangan sa mga pampublikong sasakyan, batay na rin sa karanasan ni dating Transportation Secretary Giovanni Lopez na nahirapang makasakay sa Commonwealth Avenue.
Binigyang-diin ni Dizon na kailangang balansehin ang supply ng mga sasakyan at ang dami ng mga commuter upang maiwasan ang mahabang paghihintay sa mga terminal at kalsada.
Babala rin ng kalihim, maaaring magamit sa katiwalian ang kakulangan ng mga sasakyan, partikular sa pag-isyu ng special permits at prangkisa.













