Kinumpirma ng Bureau of Fire Protection (BFP) na isa ang nararanasang napakatinding El Niño sa mga pangunahing sanhi ng kapansin-pansing pagtaas ng bilang ng sunog sa bansa ngayong taon kumpara sa nakaraang taon.
Ayon kay BFP Spokesperson FSupt. Anthony Arroyo, umakyat nang mahigit 30% ang kabuuang insidente ng sunog sa buong bansa na hindi lamang limitado sa mga structural fire.
Ipinaliwanag ni Arroyo na mas malaki ang ibinilis ng pagtaas sa mga non-structural fire na umabot nang halos 50%, dahil ang grabeng tagtuyot partikular sa mga probinsya ay nagdudulot ng mas maraming grass fire, forest fire, wildfire, at rubbish fire.
Samantala, tiniyak ng BFP na bilang aktibong service arm ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa humanitarian assistance at disaster response, handa silang tumulong sa mga komunidad na dumaranas ng kakulangan sa suplay ng tubig.
Dahil dito, maaaring gamitin ang mga fire truck at tangke ng ahensya upang magrasyon ng tubig sa mga apektadong lugar at local government units (LGUs).
Itinuturing din ng BFP na isang emergency situation ang kawalan ng tubig kaya nakikipag-ugnayan na sila sa mga water utility upang mapahintulutang kumuha ng suplay mula sa mga fire hydrant at maipamahagi ito sa mga nangangailangang residente.
Gayunpaman, mahigpit na nagpaalala ang ahensya na hindi potable water ang tubig na nanggagaling sa kanilang mga tangke, kaya pinapayuhan ang publiko na pakuluan muna ito nang mabuti kung walang ibang mapagkukunan ng maiinom na tubig.














