-- Advertisements --

Nanawagan si dating International Criminal Court (ICC) Judge Raul Pangalangan sa Philippine National Police at hudikatura na muling makuha ang tiwala ng mga Pilipino sa gitna ng nalalapit na paglilitis kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa ICC.

Ayon kay Pangalangan, hindi dapat sa International Criminal Court lamang nakasentro ang paghahanap ng hustisya para sa mga biktima ng madugong kampanya kontra droga. Binigyang-diin niyang limitado lamang sa mga itinuturing na pangunahing responsable ang mga kasong nililitis ng naturang korte.

Si Pangalangan ang kasalukuyang namumuno sa Manila-based Truth Commission na nagsasagawa ng imbestigasyon sa drug war ni Duterte. Aniya, marami pa ring pamilya ng mga biktima ang naghihintay ng kasagutan tungkol sa pagkamatay ng kanilang mga mahal sa buhay, na dapat ding tugunan ng mga lokal na pulis, piskal at hukuman.

Batay sa paunang ulat ng Truth Commission, hindi bababa sa 8,320 katao ang nasawi kaugnay ng kampanya kontra droga ni Duterte. Mas mataas ito sa opisyal na bilang ng pamahalaan na nasa 6,000.

Nakatakdang simulan sa susunod na linggo ang paglilitis kay Duterte sa ICC kaugnay ng kasong crimes against humanity. Inaasahan naman ng mga tagausig na maghahain sila ng testimonya mula sa humigit-kumulang 100 testigo sa buong paglilitis.