Inaprubahan ng House of Representatives ang panukalang batas na ibaba mula 60 tungong 56 taong gulang ang optional retirement age ng mga kawani ng gobyerno. Nakakuha ito ng 209 boto pabor, walang tumutol at isa ang nag-abstain.
Sa ilalim ng House Bill No. 10995, maaaring magretiro ang isang kawani ng gobyerno sa edad na 56 kung mayroon na siyang hindi bababa sa 15 taong serbisyo at hindi tumatanggap ng buwanang pensiyon dahil sa permanenteng kapansanan.
Layunin ng panukala na mabigyan ng pagkakataon ang mga kwalipikadong empleyado na mas maagang magretiro at magamit ang kanilang benepisyo at ipon upang mas makasama ang kanilang pamilya.
Ayon sa mga may-akda ng panukala, makapagbibigay din ito ng pagkakataon sa mga nakababatang kawani na makakuha ng permanenteng trabaho o ma-promote sa mas mataas na posisyon.
Nais ng mga may-akda na bigyang-prayoridad din ng Senado ang panukala upang maisabatas ito.
Kung maaaprubahan, magiging opsyon ang pagreretiro sa edad na 56 para sa mga kwalipikadong kawani ng gobyerno.









