-- Advertisements --

Iniutos ni Police General Jose Melencio C. Nartatez, Jr., Hepe ng Philippine National Police (PNP), ang masusing imbestigasyon at puspusang pagtugis sa lahat ng responsable sa pagpatay sa hepe ng pulisya ng Bubong, Lanao del Sur, na binaril sa loob ng kanyang inuupahang apartment noong Lunes ng hapon, Nobyembre 23.

Kinondena ni PGEN Nartatez ang pag-atake kay Police Major Razul Guimbangan Pandulo at inatasan ang lahat ng police unit sa rehiyon at mga kalapit na lugar na tiyaking makikilala at mananagot sa lalong madaling panahon ang dalawang armadong salarin at lahat ng kanilang kasamahan.

“This senseless and cowardly attack on one of our officers is an affront and a challenge to the police as an organization. I expect swift action in this case through an in-depth investigation and aggressive follow-up operations in the interest of justice and the rule of law,” ani PGEN Nartatez.

Naganap ang pag-atake dakong alas-4:30 ng hapon sa inuupahang apartment ni Police Major Pandulo sa Barangay Poblacion. Isinagawa ito ng dalawang lalaking sakay ng motorsiklo na sinasabing nakasuot ng bonnet.

Agad na tumakas ang mga suspek matapos ang insidente habang idineklarang patay ang opisyal ng pulisya sa isang lokal na ospital dahil sa mga tama ng bala na kanyang tinamo.

Ayon kay PGEN Nartatez, bahagi ng imbestigasyon ang pagtukoy sa motibo ng pag-atake dahil karaniwang nakatutulong ito sa pulisya upang matukoy ang mga salarin.

Tiniyak niya sa pamilya at mga kamag-anak ni Police Major Pandulo na personal niyang susubaybayan ang pag-usad ng kaso, alinsunod sa tagubilin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. at DILG Secretary Jonvic Remulla na tiyaking laging mananaig sa bansa ang katarungan at batas.

“We want to know everything about this incident and if it needs to form a special investigation team, so be it. What is important is we hold all those involved responsible,” ani PGEN Nartatez.

Nagpahayag din ng tiwala ang Hepe ng PNP sa kakayahan ng mga imbestigador ng PNP na lutasin ang kaso, tukuyin at maaresto ang lahat ng sangkot