Hinikayat ng Filipino tennis sensation na si Alex Eala ang mga kabataang Pilipino na makilahok sa iba’t ibang aktibidad pampalakasan upang matuto ng mahahalagang aral sa buhay.
Ito ang mensahe ni Eala sa kanyang homecoming event sa Pasig Elementary School nitong Martes.
Ayon kay Eala, nais niyang makita ang kabataang Pilipino na magkaroon ng pagmamahal sa sports, anuman ang larangang kanilang piliin.
“Ang pangarap ko sa inyo, nandiyan ang pagmamahal ninyo sa sports, kung anumang sports ang pipiliin ninyo,” ani Eala.
Binigyang-diin din niya na maraming mahahalagang bagay ang maaaring matutuhan sa pamamagitan ng sports.
Dagdag pa ng tennis star, nagsisilbing inspirasyon ng mga pambansang atleta ang mga kabataang Pilipino upang patuloy na magsikap at lumaban sa mga international competition.
“Kayo talaga, mga kabataang Pinoy, ang nagsisilbing inspirasyon sa aming mga pambansang atleta. Kayo ang motibasyon namin para lumaban pa kapag nagko-compete sa abroad,” pahayag niya.
Dumalo rin sa homecoming event ang iba pang kilalang atleta ng bansa, kabilang ang Olympic pole vaulter na si EJ Obiena at Olympic weightlifting champion na si Hidilyn Diaz.
Nakiisa rin sa ceremonial tennis game sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., Education Secretary Sonny Angara, at Pasig City Mayor Vico Sotto.














