Nilinaw ni Department of Energy (DOE) Secretary Sharon Garin na wala pang pinal na kasunduan o nilagdaan sa usapin ng energy deal sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos, sa kabila ng kamakailang pahayag ni US President Donald Trump na bibilhin ng bansa ang 100 % ng suplay ng langis at enerhiya nito mula sa America.
Ayon kay Garin, ang naging anunsyo ng lider ng US ay nagpapakita lamang ng kahandaan at kagustuhan ng kanilang bansa na mag-export ng enerhiya at iba pang suplay patungo sa Pilipinas, at hindi nangangahulugang selyado na ang transaksyon.
Ipinaliwanag ng kalihim na bagama’t buong taon nang may mga pag-uusap sa pagitan ng mga kinatawan ng dalawang bansa kabilang ang kanilang embahada at mga pribadong grupo patuloy pa ang negosasyon na pinangungunahan ng Department of Trade and Industry (DTI) at wala pang tiyak na petsa kung kailan ito matatapos.
Binigyang-diin din ni Garin na sa ilalim ng umiiral na istruktura ng industriya ng langis sa bansa, mga pribadong kumpanya ang direktang bumibili ng suplay at hindi sila maaaring diktahan ng gobyerno kung saan kukuha nito, maliban na lamang sa bahaging nakalaan para sa stockpiling ng pamahalaan.
Dagdag pa niya, kahit mas mura ang ilang produktong petrolyo sa US kumpara sa Middle East, nababawi naman ito sa taas ng gastos sa insurance at transport patungo sa bansa, kaya’t hinihikayat pa rin ng ahensya ang mga kumpanya na mag-diversify ng kanilang mapagkukunan.
Iginiit ni Garin na nakasalalay pa rin ang anumang hakbang sa kung sino ang makakapagbigay ng pinakamababang presyo, dahil malinaw ang direktiba ng Pangulo na ayaw nitong bumili ng mas mahal na krudo na makaaapekto sa taumbayan.
Sa pagpasok sa anumang posibleng kasunduan, tiniyak ng kalihim na mananatiling pangunahing konsiderasyon ng pamahalaan ang kapakanan ng mga mamamayang Pilipino, ang mas murang presyo ng petrolyo, at ang mas maayos na serbisyo sa enerhiya.
Siniguro rin ni Garin na agad nilang isasapubliko ang anumang magiging nilalaman ng kasunduan sa sandaling magkaroon na ng pinal na napagkasunduan ang Pilipinas at US.
















