-- Advertisements --

Nagpaalala ang Department of Health (DOH) sa publiko ng mga dapat gawin upang makaiwas sa mga sakit na dulot ng matinding init ng panahon sa gitna ng nagpapatuloy na epekto ng El Niño.

Ayon sa kagawaran, mas mataas ngayon ang banta ng heat-related illnesses gaya ng heat exhaustion at heat stroke dahil sa matinding alinsangan at mataas na temperatura.

Pinayuhan ng DOH ang lahat na regular na uminom ng sapat na tubig araw-araw kahit hindi pa nakararamdam ng uhaw upang mapanatiling hydrated ang katawan.

Ipinapayo rin ng ahensya na bawasan ang pag-inom ng mga inuming may caffeine at matataas ang asukal, pati na rin ang alak, dahil maaari itong mas mabilis na magpatuyot sa katawan.

Iginiit ng DOH na mahalaga ang ibayong pag-iingat at kahandaan ng publiko upang maprotektahan ang kalusugan habang nararanasan ang matinding init dulot ng El Niño.